Ang Dating Biblia

Pahina 1  2  3  4  5  6  2 KAY TIMOTEO  1  2  3  4

 1 KAY TIMOTEO

1:1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Dios na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pagasa;

1:2 Kay Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan nawang mula sa Dios na Ama at kay Jesucristo na Panginoon natin.

1:3 Kung paanong ipinamanhik ko sa iyo na ikaw ay matira sa Efeso, nang pumaparoon ako sa Macedonia, upang maipagbilin mo sa ilang tao na huwag magsipagturo ng ibang aral,

1:4 Ni huwag makinig sa mga katha at sa mga kasaysayan ng mga lahi na walang katapusan, na pinanggagalingan ng pagtatalo, at hindi ng pagkakatiwalang mula sa Dios na nasa pananampalataya; ay gayon din ang ipinamamanhik ko ngayon.

1:5 Nguni't ang kinauuwian ng bilin ay ang pagibig na nagbubuhat sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi paimbabaw:

1:6 Na pagkasinsay ng iba sa mga bagay na ito ay nagsibaling sa walang kabuluhang pananalita;

1:7 Na nagsisipagnasang maging mga guro ng kautusan, bagaman di nila natatalastas kahit ang kanilang sinasabi, kahit ang kanilang buong tiwalang pinatutunayan.

1:8 Datapuwa't nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid,

1:9 Yamang nalalaman ito, na ang kautusan ay hindi ginawa dahil sa taong matuwid, kundi sa mga walang kautusan at manggugulo, dahil sa masasama at mga makasalanan, dahil sa mga di banal at mapaglapastangan, dahil sa nagsisipatay sa ama at sa nagsisipatay sa ina, dahil sa mga mamamatay-tao,

1:10 Dahil sa mga nakikiapid, dahil sa mga mapakiapid sa kapuwa lalake, dahil sa mga nagnanakaw ng tao, dahil sa mga bulaan, dahil sa mga mapagsumpa ng kabulaanan, at kung mayroon pang ibang bagay laban sa mabuting aral;

1:11 Ayon sa evangelio ng kaluwalhatian ng mapagpalang Dios, na ipinagkatiwala sa akin.

1:12 Nagpapasalamat ako sa kaniya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagka't ako'y inari niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kaniya;

1:13 Bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at manguusig; at mangaalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagka't yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya;

1:14 At totoong sumagana ang biyaya ng ating Panginoon na nasa pananampalataya at pagibig na pawang kay Cristo Jesus.

1:15 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa sanglibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangulo sa mga ito;

1:16 Gayon ma'y dahil dito, kinahabagan ako, upang sa akin na pangulong makasalanan, ay maipahayag ni Jesucristo ang buong pagpapahinuhod niya, na halimbawa sa mga magsisisampalataya sa kaniya, sa ikabubuhay na walang hanggan.

1:17 Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.

1:18 Ang biling ito ay ipinagtatagubilin ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga hula na nangauna tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka;

1:19 Na ingatan mo ang pananampalataya at ang mabuting budhi; na nang ito'y itakuwil ng iba sa kanila ay nangabagbag tungkol sa pananampalataya:

1:20 Na sa mga ito'y si Himeneo at si Alejandro; na sila'y aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag mamusong.

 1 KAY TIMOTEO

2:1 Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao;

2:2 Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.

2:3 Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas;

2:4 Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.

2:5 Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,

2:6 Na ibinigay ang kaniyang sarili na pangtubos sa lahat; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;

2:7 Na dito'y itinalaga ako na tagapangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan, hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan.

2:8 Ibig ko ngang ang mga tao'y magsipanalangin sa bawa't dako, na iunat ang mga kamay na banal, na walang galit at pakikipagtalo.

2:9 Gayon din naman, na ang mga babae ay magsigayak ng mahinhing damit na may katimtiman at hinahon; hindi ng mahalagang hiyas ng buhok, at ginto o perlas o damit na mahalaga;

2:10 Kundi (siyang nararapat sa mga babae na magpakabanal) sa pamamagitan ng mabubuting gawa.

2:11 Ang babae'y magaral na tumahimik na may buong pagkapasakop.

2:12 Nguni't hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalake, kundi tumahimik.

2:13 Sapagka't si Adam ay siyang unang nilalang, saka si Eva;

2:14 At si Adam ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagsalangsang;

2:15 Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon.

 1 KAY TIMOTEO

3:1 Tapat ang pasabi, Kung ang sinoman ay magsisikap na maging obispo, ay mabuting gawa ang ninanasa.

3:2 Dapat nga na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pagiisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo;

3:3 Hindi magulo, hindi palaaway, kundi malumanay, hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi;

3:4 Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan;

3:5 (Nguni't kung ang sinoman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sangbahayan paanong makapamamahala sa iglesia ng Dios?)

3:6 Hindi baguhan, baka siya kung magpalalo ay mahulog sa kaparusahan ng diablo.

3:7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo ng nangasa labas, baka mahulog sa kapintasan at silo ng diablo.

3:8 Gayon din naman ang mga diakono dapat ay mahuhusay, hindi dalawang dila, hindi mahilig sa maraming alak, hindi mga sakim sa mahahalay na kapakinabangan;

3:9 Na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya ng malinis na budhi.

3:10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; kung magkagayo'y mamahalang may pagka diakono, kung walang kapintasan.

3:11 Gayon din naman ang mga babae dapat ay mahuhusay, hindi palabintangin, mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.

3:12 Maging asawa ang mga diakono ng tigiisa lamang na babae, na pamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sangbahayan.

3:13 Sapagka't ang nangamamahalang mabuti sa pagka diakono, ay nangagtatamo sa kanilang sarili ng isang mabuting kalagayan, at malaking katapangan sa pananampalataya na kay Cristo Jesus.

3:14 Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na inaasahang makararating sa iyong madali;

3:15 Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.

3:16 At walang pagtatalo, dakila ang hiwaga ng kabanalan; Yaong nahayag sa laman, Pinapaging-banal sa espiritu, Nakita ng mga anghel, Ipinangaral sa mga bansa, Sinampalatayanan sa sanglibutan, Tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

 1 KAY TIMOTEO

4:1 Nguni't hayag na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba'y magsisitalikod sa pananampalataya, at mangakikinig sa mga espiritung mapanghikayat at sa mga aral ng mga demonio,

4:2 Sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi ng waring bakal na nagbabaga;

4:3 Na ipinagbabawal ang pagaasawa, at ipinaguutos na lumayo sa mga lamangkati, na nilalang ng Dios upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nagsisisampalataya at nangakakaalam ng katotohanan.

4:4 Sapagka't ang bawa't nilalang ng Dios ay mabuti, at walang anomang nararapat na itakuwil, kung tinatanggap na may pagpapasalamat:

4:5 Sapagka't pinakababanal sa pamamagitan ng salita ng Dios at ng pananalangin.

4:6 Kung ipaalaala mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting ministro ni Cristo Jesus, na kinandili sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na sinusunod mo hanggang ngayon:

4:7 Datapuwa't itakuwil mo ang mga kathang masasama at walang kabuluhan. At magsanay ka sa kabanalan:

4:8 Sapagka't sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, nguni't ang kabanalang sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan, na may pangako sa buhay na ito, at sa darating.

4:9 Tapat ang pasabi, at nararapat tanggapin ng lahat.

4:10 Sapagka't dahil dito ay nagsisipagpagal kami at nagsisipagsikap, sapagka't may pagasa kami sa Dios na buhay, na siyang Tagapagligtas sa lahat ng mga tao, lalong lalo na sa mga nagsisisampalataya.

4:11 Ang mga bagay na ito'y iyong iutos at ituro.

4:12 Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.

4:13 Hanggang ako'y pumariyan ay magsikap ka sa pagbasa, sa pangangaral, sa pagtuturo.

4:14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng hula, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng mga presbitero.

4:15 Magsipag ka sa mga bagay na ito; tumalaga kang lubos sa mga ito; upang ang iyong pagkasulong ay mahayag sa lahat.

4:16 Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo.

 1 KAY TIMOTEO

5:1 Huwag mong pagwikaan ang matanda, kundi pangaralan mo siyang tulad sa ama; ang mga kabataang lalake na tulad sa mga kapatid:

5:2 Ang mga babaing matatanda na tulad sa mga ina; at ang mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisan.

5:3 Papurihan mo ang mga babaing bao na tunay na bao.

5:4 Nguni't kung ang sinomang babaing bao ay may mga anak o mga apo, magsipagaral ang mga ito muna ng pamamahalang may kabanalan sa kanilang sariling sangbahayan, at magsiganti sa kanilang mga magulang: sapagka't ito'y nakalulugod sa paningin ng Dios.

5:5 Kaya't ang tunay na babaing bao at walang nagaampon, ay may pagasa sa Dios, at nananatili sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw.

5:6 Datapuwa't ang nangagpapakabuyo sa mga kalayawan, bagama't buhay ay patay.

5:7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman, upang sila'y mawalan ng kapintasan.

5:8 Datapuwa't kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya.

5:9 Huwag itala na gaya ng babaing bao samantalang walang anim na pung taon, na naging asawa ng isang lalake,

5:10 Na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; kung siya'y nagalaga sa mga anak, kung siya'y nagpatuloy sa mga taga ibang bayan, kung siya'y naghugas ng mga paa ng mga banal, kung siya'y umabuloy sa mga napipighati, kung ginanap niya na may kasipagan ang bawa't mabuting gawa.

5:11 Nguni't tanggihan mo ang mga batang babaing bao: sapagka't pagkakaroon nila ng masamang pita na hiwalay kay Cristo, ay nagsisipagnasang magasawa;

5:12 Na nagkakaroon ng kahatulan, sapagka't itinakuwil nila ang unang pananampalataya.

5:13 At bukod dito ay nangagaaral din naman na maging mga tamad, na nagpapalipatlipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi matatabil din naman at mga mapakialam, na nagsisipagsalita ng mga bagay na di nararapat.

5:14 Ibig ko ngang magsipagasawa ang mga batang babaing bao, magsipanganak, magsipamahala ng sangbahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anomang pagkadahilanan ng ikalilibak:

5:15 Sapagka't ang mga iba'y nagsibaling na sa hulihan ni Satanas.

5:16 Kung ang sinomang babaing nanampalataya ay may inaampong mga babaing bao, ay umabuloy sa kanila, at huwag pabigatan ang iglesia, upang maabuluyan nito ang mga tunay na bao.

5:17 Ang mga matanda na nagsisipamahalang mabuti ay ariing may karapatan sa ibayong kapurihan, lalong lalo na ang mga nangagpapagal sa salita at sa pagtuturo.

5:18 Sapagka't sinasabi ng kasulatan, Huwag mong lalagyan ng busal ang baka pagka gumigiik. At, ang nagpapagal ay karapatdapat sa kaupahan sa kaniya.

5:19 Laban sa matanda ay huwag kang tatanggap ng sumbong, maliban sa dalawa o tatlong saksi.

5:20 Sila na mga nagkakasala ay paalalahanan mo sa harapan ng lahat upang ang iba nama'y mangatakot.

5:21 Pinagbibilinan kita sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong ganapin ang mga bagay na ito na walang pagtatangi na huwag mong gagawin ang anomang pagayo.

5:22 Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makaramay sa mga kasalanan ng iba: ingatan mong malinis ang iyong sarili.

5:23 Huwag kang iinom pa ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit.

5:24 Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na, na nagsisipanguna sa paghukom: at ang ilang mga tao naman ay kanilang sinusundan.

5:25 Gayon din naman ang mabubuting gawa ay hayag: at ang mga di gayo'y hindi maaaring ilihim.

 1 KAY TIMOTEO

6:1 Ang lahat ng mga alipin na nangasa ilalim ng pamatok ay ariin ang kanilang mga panginoon na karapatdapat sa buong kapurihan, upang ang pangalan ng Dios at ang aral ay huwag malapastangan.

6:2 At ang mga may panginoong nagsisisampalataya, ay huwag mayamot sa kanila, sapagka't sila'y pawang magkakapatid; kundi bagkus paglingkuran nila silang mabuti, sapagka't nagsisipanampalataya at mga minamahal ang mga nagsisitanggap ng kapakinabangan. Iyong ituro at iaral ang mga bagay na ito.

6:3 Kung ang sinoma'y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan;

6:4 Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala.

6:5 Pagtataltalan ng mga taong masasama ang pagiisip at salat sa katotohanan, na nagsisipagakala na ang kabanalan ay paraan ng pakinabang.

6:6 Datapuwa't ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking kapakinabangan:

6:7 Sapagka't wala tayong dinalang anoman sa sanglibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anoman;

6:8 Nguni't kung tayo'y may pagkain at pananamit ay masisiyahan na tayo doon.

6:9 Datapuwa't ang mga nagsisipagnasang yumaman, ay nangahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming mga pitang hangal at nakasasama, na siyang naglulubog sa mga tao sa kapahamakan at kamatayan.

6:10 Sapagka't ang pagibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na sa pagnanasa ng iba ay nangasinsay sa pananampalataya, at tinuhog ang kanilang sarili ng maraming mga kalumbayan.

6:11 Datapuwa't ikaw, Oh tao, ng Dios, tumakas ka sa mga bagay na ito, at sumunod ka sa katuwiran, sa kabanalan, sa pananampalataya, sa pagibig, sa pagtitiis, sa kaamuan.

6:12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya, manangan ka sa buhay na walang hanggan, na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi.

6:13 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios na bumubuhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus, na sa harapan ni Poncio Pilato ay sumaksi ng mabuting pagpapahayag;

6:14 Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesucristo:

6:15 Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;

6:16 Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: sumakaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan. Siya nawa.

6:17 Ang mayayaman sa sanglibutang ito, ay pagbilinan mo na huwag magsipagmataas ng pagiisip, at huwag umasa sa mga kayamanang di nananatili, kundi sa Dios na siyang nagbibigay sa ating sagana ng lahat ng mga bagay upang ating ikagalak;

6:18 Na sila'y magsigawa ng mabuti, na sila'y magsiyaman sa mabuting gawa, na sila'y maging handa sa pamimigay, maibigin sa pamamahagi;

6:19 Na mangagtipon sa kanilang sarili ng isang mabuting kinasasaligan para sa panahong darating, upang sila'y makapanangan sa buhay na tunay na buhay.

6:20 Oh Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na ilagan mo ang mga usapan na walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng maling tawag na kaalaman;

6:21 Na palibhasa'y pinaniwalaan ng ilan ay nangasinsay tungkol sa pananampalataya. Ang biyaya ay sumainyo nawa.

 2 KAY TIMOTEO

1:1 Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ayon sa pangako ng buhay na nasa kay Cristo Jesus,

1:2 Kay Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kaawaan, kapayapaan nawang mula sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

1:3 Nagpapasalamat ako sa Dios, na mula sa aking kanunununuan ay aking pinaglilingkuran sa budhing malinis, na walang patid na inaalaala kita sa aking mga daing, gabi't araw;

1:4 Na kinasasabikan kong makita kita, na inaalaala ang iyong mga pagluha, upang ako'y mapuspos ng kagalakan;

1:5 Na inaalaala ko ang pananampalatayang hindi pakunwari na nasa iyo; na namalagi muna kay Loida na iyong lelang, at kay Eunice na iyong ina; at, ako'y naniniwalang lubos, na nasa iyo rin naman.

1:6 Dahil dito ay ipinaaalaala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Dios, na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay.

1:7 Sapagka't hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan at ng pagibig at ng kahusayan.

1:8 Huwag mo ngang ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni ako na bilanggo niya: kundi magtiis ka ng mga kahirapan dahil sa evangelio ayon sa kapangyarihan ng Dios;

1:9 Na siyang sa atin ay nagligtas, at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kaniyang sariling akala at biyaya, na ibinigay sa atin kay Cristo Jesus buhat pa ng mga panahong walang hanggan.

1:10 Nguni't ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nagalis ng kamatayan, at nagdala sa liwanag ng buhay at ng walang pagkasira sa pamamagitan ng evangelio,

1:11 Na sa bagay na ito ay ako'y itinalaga na tagapangaral, at apostol at guro.

1:12 Dahil dito'y nagtiis din ako ng mga bagay na ito: gayon ma'y hindi ako nahihiya; sapagka't nakikilala ko yaong aking sinampalatayanan, at lubos akong naniniwalang siya'y makapagiingat ng aking ipinagkatiwala sa kaniya hanggang sa araw na yaon.

1:13 Ingatan mo ang mga ulirang mga salitang magagaling na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pagibig na nasa kay Cristo Jesus.

1:14 Yaong mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo ay ingatan mo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nananahan sa atin.

1:15 Ito'y nalalaman mo, na nagsihiwalay sa akin ang lahat ng nangasa Asia; na sa mga yaon ay si Figello at si Hermogenes.

1:16 Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sangbahayan ni Onesiforo: sapagka't madalas niya akong pinaginhawa, at hindi ikinahiya ang aking tanikala;

1:17 Kundi, nang siya'y nasa Roma, ay hinanap niya ako ng buong sikap, at ako'y nasumpungan niya.

1:18 (Pagkalooban nawa siya ng Panginoon na masumpungan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na yaon); at totoong alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso.

 2 KAY TIMOTEO

2:1 Ikaw nga, anak ko, magpakalakas ka sa biyayang nasa kay Cristo Jesus.

2:2 At ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa gitna ng maraming saksi, ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat, na makapagtuturo naman sa mga iba.

2:3 Makipagtiis ka sa akin ng mga kahirapan, na gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus.

2:4 Sinomang kawal na nasa pagkakawal ay hindi nahalubilo sa mga bagay ng buhay na ito; upang siya'y kalugdan niyaong nagtala sa pagkakawal.

2:5 At kung ang sinoman ay makikipaglaban naman sa mga laro, ay hindi pinuputungan maliban na kung makipaglabang matuwid.

2:6 Ang magsasaka na nagpapagal ay siyang kailangang unang makabahagi sa mga bunga.

2:7 Isipin mo ang sinasabi ko; sapagka't bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay.

2:8 Alalahanin mo si Jesucristo na muling nabuhay sa mga patay, sa binhi ni David, ayon sa aking evangelio:

2:9 Na siyang pinagtitiisan ko ng kahirapan sa mga tanikala, na tulad sa tampalasan; nguni't ang salita ng Dios ay hindi natatanikalaan.

2:10 Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan naman nila ang pagkaligtas na nasa kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan.

2:11 Tapat ang pasabi: Sapagka't kung tayo'y nangamatay na kalakip niya, ay mangabubuhay naman tayong kasama niya:

2:12 Kung tayo'y mangagtiis, ay mangaghahari naman tayong kasama niya: kung ating ikaila siya, ay ikakaila naman niya tayo:

2:13 Kung tayo'y hindi mga tapat, siya'y nananatiling tapat; sapagka't hindi makapagkakaila sa kaniyang sarili.

2:14 Ipaalaala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan sa paningin ng Panginoon, na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salitaan na hindi mapapakinabangan, sa ikapapahamak ng mga nakikinig.

2:15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan.

2:16 Datapuwa't ilagan mo ang mga usapang walang kabuluhan: sapagka't sila'y lalong magpapatuloy sa kasamaan,

2:17 At ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena: na sa mga ito ay si Himeneo at si Fileto;

2:18 Na mga taong tungkol sa katotohanan ay nangasinsay, na sinasabing ang pagkabuhay na maguli ay nakaraan na, at ginugulo ang pananampalataya ng iba.

2:19 Gayon ma'y ang matibay na pinagsasaligan ng Dios ay nananatili na may tatak nito, Nakikilala ng Panginoon ang mga kaniya: at, Lumayo sa kalikuan ang bawa't isa na sumasambitla ng pangalan ng Panginoon.

2:20 Datapuwa't sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga sisidlang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at lupa; at ang iba'y sa ikapupuri, at ang iba'y sa ikasisirang-puri.

2:21 Kung ang sinoman nga ay malinis sa alin man sa mga ito, ay magiging sisidlang ikapupuri, pinakabanal, marapat gamitin ng mayari, nahahanda sa lahat ng gawang mabuti.

2:22 Datapuwa't layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan, at sundin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pagibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.

2:23 Nguni't tanggihan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ng mga pagtatalo.

2:24 At ang alipin ng Panginoon ay hindi nararapat na makipagtalo, kundi maamo sa lahat, sapat na makapagturo, matiisin,

2:25 Na sawaying may kaamuan ang mga nagsisisalangsang; baka sakaling sila'y pagkalooban ng Dios ng pagsisisi sa ikaaalam ng katotohanan,

2:26 At sila'y makawala sa silo ng diablo, na bumihag sa kanila ayon sa kaniyang kalooban.

 2 KAY TIMOTEO

3:1 Datapuwa't alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib.

3:2 Sapagka't ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan,

3:3 Walang katutubong pagibig, mga walang paglulubag, mga palabintangin, mga walang pagpipigil sa sarili, mga mabangis, hindi mga maibigin sa mabuti,

3:4 Mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan kay sa mga maibigin sa Dios;

3:5 Na may anyo ng kabanalan, datapuwa't tinanggihan ang kapangyarihan nito: lumayo ka rin naman sa mga ito.

3:6 Sapagka't sa mga ito ang nanganggagapang sa mga bahay, at binibihag ang babaing haling na lipos ng mga kasalanan, hinihila ng mga iba't ibang pita,

3:7 Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.

3:8 At kung paanong si Janes at si Jambres ay nagsilaban kay Moises, ay gayon din naman ang mga ito'y nagsisilaban sa katotohanan; mga taong masasama ang pagiisip, mga itinakuwil tungkol sa pananampalataya.

3:9 Nguni't sila'y hindi mangagpapatuloy: sapagka't mangahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kamangmangan, gaya naman ng pagkahayag ng sa mga yaon.

3:10 Nguni't sinunod mo ang aking aral, ugali, akala, pananampalataya, pagpapahinuhod, pagibig, pagtitiis,

3:11 Mga paguusig, mga pagbabata; anomang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio, sa Listra; anomang mga paguusig ang tiniis ko: at sa lahat ay iniligtas ako ng Panginoon.

3:12 Oo, at lahat na ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay mangagbabata ng paguusig.

3:13 Datapuwa't ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya.

3:14 Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan;

3:15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.

3:16 Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:

3:17 Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.

 2 KAY TIMOTEO

4:1 Ipinagbibilin ko sa iyo sa paningin ng Dios, at ni Cristo Jesus, na siyang huhukom sa mga buhay at sa mga patay, sa pamamagitan ng kaniyang pagpapakita at sa kaniyang kaharian:

4:2 Ipangaral mo ang salita; magsikap ka sa kapanahunan, at sa di kapanahunan, sumawata ka, sumaway ka, mangaral ka na may buong pagpapahinuhod at pagtuturo.

4:3 Sapagka't darating ang panahon na hindi nila titiisin ang magaling na aral; kundi, pagkakaroon nila ng kati ng tainga, ay magsisipagbunton sila sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling mga masasamang pita;

4:4 At ihihiwalay sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at mga ibabaling sa katha.

4:5 Nguni't ikaw ay magpigil sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gawin mo ang gawa ng evangelista, ganapin mo ang iyong ministerio.

4:6 Sapagka't ako'y iniaalay na, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.

4:7 Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya:

4:8 Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na yaon; at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kaniyang pagpapakita.

4:9 Magsikap kang pumarini na madali sa akin:

4:10 Sapagka't ako'y pinabayaan ni Demas, palibhasa'y iniibig niya ang sanglibutang ito, at napasa Tesalonica; si Crescente ay napasa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia.

4:11 Si Lucas lamang ang kasama ko. Kaunin mo si Marcos, at ipagsama mo; sapagka't siya'y napapakinabangan ko sa ministerio.

4:12 Datapuwa't si Tiquico ay sinugo ko sa Efeso.

4:13 Ang balabal na aking iniwan sa Troas kay Carpo ay iyong dalhin pagparini mo, at ang mga aklat, lalong lalo na ang mga pergamino.

4:14 Si Alejandro na panday-tanso ay ginawan ako ng lubhang masama: gagantihan siya ng Panginoon ayon sa kaniyang mga gawa:

4:15 Magingat ka rin naman sa kaniya; sapagka't totoong kaniyang sinalangsang ang aming mga salita.

4:16 Sa aking unang pagsasanggalang sinoman ay walang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat: huwag nawang ibilang sa kanila ito.

4:17 Datapuwa't ang Panginoon ay sumaakin, at ako'y pinalakas; upang sa pamamagitan ko ang mabuting balita ay maitanyag ng ganap, at upang mapakinggan ng lahat ng mga Gentil: at ako'y iniligtas sa bibig ng leon.

4:18 Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawa't gawa ng masama, at ako'y kaniyang iingatan sa kaniyang kaharian sa langit: na sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

4:19 Batiin mo si Prisca at si Aquila, at ang sangbahayan ni Onesiforo.

4:20 Si Erasto ay natira sa Corinto; datapuwa't si Trofimo ay iniwan kong may-sakit sa Mileto.

4:21 Magsikap kang pumarini bago magtaginaw. Binabati ka ni Eubulo, at ni Pudente, at ni Lino, at ni Claudia, at ng lahat ng mga kapatid.

4:22 Ang Panginoon nawa'y sumainyong espiritu. Ang biyaya nawa'y sumainyo.